mga kwento ni samjuan, sino man, tungkol kanino man, kahit saan, kahit kailan, salamat walang anuman
Random header image... Refresh for more!

yayaman ka pa ba?

Minsan hindi ko maiwasang mainggit sa mga taong di na kinakailangang umalis ng bansa para kumita ng malaki-laking pera. Sila yung mag tipo ng tao na humihiga sa salapi, kundi man, sila yung mga taong hindi kinakailangang maghugas ng pwet ng mga dayuhan, mag-kuskos ng kubeta o kaya magtabas ng damo sa ibang bansa para kumita ng mas malaking pera para makaipon.

 

Kumusta naman kasi na yung mag pinanganak nang mayaman, mga may angkang mayaman, mga nakakapag-artista, mga nananalo sa contest/gameshows/raffle, mga drug lords, mga holdapers, mga pulitiko, at mga nakakahukay ng mag nakabaong kayamanan lang ang yumayaman at lalong yumayaman sa Pinas.

 

Sa Pilipinas kahit kumayod marino ka, hindi pa rin sasapat yung kikitain mo para sa sarili mo at para makapag-ipon sa mga bagay na gusto mo. Hindi pa ba sapat na pruweba ang milyon-milyong mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa para kumita ng pera?

 

Hindi mo masasabing ang pagtatapos mo ng pag-aaral sa Pilipinas ang susi mo sa tagumpay at pagyaman. Taon-taon nadaragdagan ang tambak ng mga bagong tambay na gradweyt sa bansa na walang mapasukang trabaho. Kung tutuusin madami naman talagang mga trabaho sa PIlipinas, yun nga lang, napakamura ng bayad sa tao kumpara sa ibang bansa. Yung isang linggong kita ko dito sa Amerika ay halos dalawang buwang pagod at pawis ko na sa Pilipinas.

 

Dito, kahit hayskul lang ang natapos mo, sa loob ng isang buwan pwede ka ng kumita ng tatlong beses na mas malaki kesa sa kinikita ng mga call center agents sa Pilipinas.

 

Di kataka-takang sa loob ng dalawang taon ay nakakapagpatayo na ng bahay sa Pilipinas ang mga Pinoy na kumayod dito sa Amerika. Sabi nga ng mga Pinoy na nakakausap ko ditto, basta may tiyaga ka dito, mabibili mo ang mga gamit at pagkain ngmga mayayaman. Dito hindi na bago ang makakita ka ng hardinerong naka Chevrolet, ng driver na may Mercedes at ng katulong na naka- Ford.

 

Sa ibang bansa, kahit magpakapagod ka ng husto, mararamdaman mo at makikita mo agad yung mga pinagpaguran mo. Sa Pilipinas, lawit na dila mo sa pagtatrabaho, lugi ka pa sa maliit at madalas delayed na sweldo.

 

Sandali pa lang ako dito sa Amerika at hindi pa nakakaipon ng sapat, pero masasabi kong sulit ang pagod at hirap na dinaranas ko dito. Yun nga lang, masaklap isipin na yung labinlimang taong pag-aaral na tinapos ko sa Pilipinas ay hindi ko halos magamit dito. Ang labanan na lang dito ay sipag at tiyaga. Kung hindi ka kabilang sa isa sa mga pinalad na makapag-artista, manalo sa contest/gameshows/raffle, maging isang drug lord, maging holdaper, maging pulitiko, o makahukay ng mag nakabaong kayamanan ay dapat ka nang maghanda ng matindi tinding sipag at tiyaga kung gusto mong makaipon at yumaman.

1 comment

1 kapatods { 09.03.08 at 4:25 pm }

apir tayo sa sipag at tyaga!

[Reply]

Leave a Comment