Shhh
Malakas ang ihip ng hangin ngayong gabi. Wala siyang kasamang ulan pero dinig na dinig mo yung paghampas niya sa mga dahon ng puno sa labas. Mula sa kuwarto namin sa taas ng bahay, madidinig mo kung papaano niya kinakatok ang mga pintuan at bintana ng mga kapitbahay. Madidinig mo kung papaano niya kinukuyog yung mga dinadaanan niya.
Di pangkaraniwan ang malakas na hangin sa parteng ito ng Amerika. Hindi uso dito ang mga ipuipo gaya ng sa texas o sa iba pang mga states kaya hindi naman ako nangambang matangay kami ng hangin habang natutulog. Nakakaaliw lang dahil mas malakas pa yata ang ihip ng hangin na ‘to kaysa sa hangin na naranasan ko noong winter. Partida, spring pa lang ngayon dito at bumibira na ang hangin.
Tama lang. Hindi kasi ako makahinga nitong mga nakaraang araw. Noong lunes ay biglang umatake ang sipon ko at nagdulo ng pagkabara sa aking ilong. Ilang araw din akong pasinghot-singhot sa trabaho at barado ang ilong. Ilang ulit na nagsusumbong sa amin ang ibang mga tao tungkol s akakulitan ng kapatid kong babae. Ilang beses na akong kinakantiyawan ng tatay ko na kuripot daw ako, na mag-ipon daw ako, pero ako naman halos ang nagbabayad ng lahat ng gastos sa bahay. Wala pa ding trabaho ang tatay. Kailangan ko pa yatang magpadala ng pang-tuition para sa isa ko pang kapatid na nasa Pilipinas.
Sa lakas ng ihip ng hangin hindi na nito kailangan pa ng ulan para lunurin ang paligsahan ng hilik mula sa mga kuwarto ng bahay, ang pagsesermon at pagmumura ng Pinay na nanay sa anak niyang babae sa kapitbahay, ang mga sirena ng pulis at ambulansiya na suki ng kalsada, ang pagba-vibrate ng cellphone na ppuno ng hinaing sa buhay ng mga kaibigan sa PInas, ang mga ungot ng laman na uhaw sa romansa, ang mga kabog ng dibdib na salat sa pag-ibig at ang mga alinlangan at takot na ume-echo sa isip.
May narinig akong tunog ng nag-uumpugang mga piraso ng chimes sa di kalayuan sa kapitbahay. Malamang di din siya nakaligtas sa hangin. Ilang minuto lang ang lumipas ay nilunod na din ng hangin ang tunog ng chimes.
Wala pang limang oras nang bansagang American Idol ng taon si David Cook sa di kalayuang lugar dito sa’min. Wala pang limang oras nang magsimulang magwala ang hangin sa labas. Wala pang limang oras nang magsimula kong madinig ang katahimikan ng Amerika.

2 comments
sam, hanapin mo ang kantang amerika nina simon at garfunkel. old school. pakingggan mo at sabihin mo sa kin — nakarelate ka din sa lungkot nila di ba?
[Reply]
Sige Sige
[Reply]
Leave a Comment