Isang araw sa bodega
Tatlong beses naglabas ng sama ng loob si Riki sa kubeta.
Alam kong tumae siya at hindi nagpanggap na tumatae kasi matindi ang amoy na naiwan sa mga kamay niya. May amoy jebs, may amoy sabon na pang-jebs, yung amoy bulaklakin na parang amoy pulbos, ganun.
Halos anim na oras akong nakatayo kanina sa bodega.
May bago akong trabaho- ang magtupi ng mga binalik na mga damit ng buyers at ipackage sila ulit na parang bago at galling sa factory. Ikaw na lang manghula kung ilang mga damit ang nire-package ko sa anim na oras.
Trabaho talaga yun ni Riki. Siya yung inutusan ng big-boss na i-repackage ang mga damit na binalik ng buyer. Pero dahil sa all-around bodegero din siya na katulad ko, ay hindi na niya maharap ang pagtutupi at pagpa-plastic ng mga damit kaya sa akin naipasa ang tungkulin.
Si Riki ay yung kinukwento kong ka-opisinang kamukha ni Hagrid mula sa mga pelikula ng Harry Potter. Bagama’t hindi siya literal na higante sa tangkad, Hagrid na Hagrid naman siya sa laki ng katawan at tiyan. Mabuhok siya tulad ni Hagrid. Yung mga braso niya parang tinubuan ng mild na buhok pang-kilikili. Yung bigote niya at balbas niya, na kahit inahit ay mukha pa ding pugad ng kanyang mga pawis. Hispanic si Riki. Tubong Mexico na mahigit 20 years nang nagtatrabaho dito sa Amerika. Taga-ayos siya ng mga orders, kargador at dispatsador ng mga karton sa bodega, taga-deliver, taga-linis, taga-buhat, at marami pang iba.
Tatlo lang kaming tauhan dito. Bukod sa pinsan ng boss at kay Riki, at sa kasama kong Pinoy na si Kuya Jay, wala ng ibang tauhan ang ga-basketball court size na bodegang pinagtatrabahuhan ko.
Si Kuya Jay, ang accountant na Pinoy na nag-hire sa akin dito, si Riki na all-around warehouse man, at ako, si Sam Juan, bilang all around alalay ng lahat. Utos ng boss utos ni kuya Jay, utos ng pinsan ni boss, utos ni Riki, lahat ginagawa ko.
Ang general job description ko dito ay maging assistant ng boss. Mapapa-wow ka sa tunog. Parang seksetaryo ka lng ng boss. Pero super assistant ka pala ng kumpanya. Ayos lang naman sa akin. Dahil sa ngayon, wala akong karapatang magreklamo dahil hindi ko na ito pwedeng bitawan. Sa ngayon, hindi pa.
Isa pa, malaki din naman ang sweldo kumpara sa kinikita ko sa Pinas noon.
Isa pa, naisip ko din na bukod sa madaming walang trabaho ay mahirap na din humanap ng trabaho dito.
Lunchbreak.
Tinawag ko ni Kuya Jay para magtanghalian. Pahinga ng 30 minutes. Whew.
Hindi pa nakakababa ang kinain ko, balik bodega ako ulit. Buti nga walang masyadong binubuhat ngayon, dahil kung hindi mga balls ko ang maluluslos, eh baka lumuwa ang bituka ko kasama ng mga kinain ko pababa.
Alas dos ng hapon.
May bangaw na pilit kumakawala sa may nagliliwanag na malaking salamin ng bintana na nagdudugtong sa opisina sa itaas at sa bodega sa ibaba. Kung susuriin mo ng mabuti, parang asong kinakalkal ng bangaw yung flat na salamin. Siguro gusto na niyang makalabas ng bodega. Siguro nagsasawa na siya sa amoy ng yosi ng pinsan ng boss, si Berus. Siguro nahihilo na siya sa amoy curry na panis sa opisina, siguro gusto lang niyang lumabas.
Marami-rami na akong natupi at naimpakengmga damit sa panahong ito. Paminsan-minsan, tatawagin ako ng big-boss para mag-emial o mag-fax sa mga kliyente. Computer guy din kasi nila ako dito. Minsan janitor din. Pero ayus lang. Hindi pa ako makaporma eh. Ang alam nga ng tatay ko, nakaupo lang ako sa harap ng computer maghapon. Hindi rin. Hindi ko na sinasabi sa kanya yung mga extra kong trabaho bilang kargador, janitor, bodegero at grand-utusan. Ayokong mag-alala pa siya. Isa pa, kaya ko pa naman ang mga ginagawa ko
Mag-aals tres na ng hapon.
May nabasa akong libro kung saan yung character ay nagbabasa ng reader’s digest na may character na hinahalintulad yung sarili niya sa mga parte ng katawan ng tao. Siya ang paa ni Mr Ganito. Siya ang puwet ni Ms Ganyan. Ang utak ni Ganun.
Ako ang computer guy nila sa opisina, ang technician, ang taga=photocopy, taga-vacuum, taga-fax, tagasagot ng telepono, taga-buhat ng karton, taga-bantay ng mga kargador, kargador, taga-akyat sa mga kahon, taga-tupi ng damit, taga- gupit ng tela, taga-gawa ng mga utos.
Ako ang mga pagod na paa ng bangaw sa bintana.
Natapos ko ang pagtutupi saktong alas tres.
Sa oras na iyon, kating-kati na akong umuwi para magpahinga. Konting tiis na lang.
Ako ang mga pakpak ng bangaw sa bintana. Gusto ko nang lumipad pero hindi ko magawa. May oras daw ang lahat. Pahinga muna saglit.
Alas singko y media.
Madalas kasabay kong umuwi si Riki, pero sa pagkakataong iyon, nagpaiwan siya. Madami pa daw siyang gagawin at aayusin sa bodega. Kung merong taong kabisado ang bawat pasikot sikot sa bodega, yun eh si Riki. Madalas nga lang siyang pagod.
Sakto pagbukas ko ng pinto palabas, mabilis na lumipad papalayo ang bangaw.

4 comments
Feeling ko nawalan ako ng 1/2 karapatang magreklamo. Banas na banas na din kasi ako sa boss ko at sa ibang tao…hehe.
Patience is a virtue nga talaga.
[Reply]
samjuan reply on July 25th, 2008 5:02 pm:
Patience lang talaga, dadating din ang panahon natin to shine. hehe
[Reply]
mahirap lang maghanap ng trabaho para sa mga namimili ng trabaho kabayan. buti tayo walang keme diba?
[Reply]
samjuan reply on July 25th, 2008 5:02 pm:
Tumpak!
Bawal ang maarte pag nagtatrabaho ka na sa ibang bansa. Mahirap na maging choosy. hehe
[Reply]
Leave a Comment