super-sam
Pakiramdam ko isa akong super-man kanina.
Halong, gulat, pagkamangha, takot, at galit ang ibinungad sa akin ni manong bus driver.
Madami siyang sinabi pagkatapos ng kisapmatang pagniniig ng kanyang mga emosyon sa kanyang mukha.
Ang natandaan ko lang, “You could get yourself killed!”
Kalimitan dito sa Amerika, meron kang labinlimang segundo para tumawid sa kalye. Yung kumikisap na ilaw na simbolo ng taong tumatawid o kaya naman minsan ay may nakalagay na salitang “Walk” ang magsisilbing hudyat mo sa pagtawid. Bawal ang pasaway. Kapag pasaway ka ay nahuli ng mga pulis na nagtatago sa mga sulok-sulok at naghahanap ng huli nila for the day, lagot na. May tiket ka at record sa kanila. Minsan may bayad pa.
Ilang araw na akong parang lutang dahil sa pakiramdam ng malaking kakulangan sa buhay ko. Pera? Sex? Alak? Gimik? Ewan. Pero mas malalim pa doon. Pag-ibig? Romansa? Pwede, pero hindi rin. Ewan ko. Bored na siguro ako sa trabaho ko at sa buhay ko ngayon.
15 segundo.
Yun ang haba ng oras na ibibigay sa iyo para tawirin ang isang dulo ng kalsada papunta sa kabila. Kapag sa normal na lakad ng may maiikling mga binti, kaya mong tumawid sa loob ng pito hanggang walong segundo. Kapag tatakbuhin mo naman, kaya ng apat na segundo.
Maraming mga tao ang nahuhuli dito dahil pasaway silang tumatawid kahit na naka-stop sign para sa mga tao. May simbolo ng outline ng taong pula na parang nakatayo ng tuwid o kaya may “Stop” na kumikisap. Maraming tao ang tinatakbo ang labinlimang segundo para maabutan ang papaalis na bus.
14 segundo.
Di gaya sa Pinas, may oras ang pagdating at pag-alis ng mga bus dito. Depende sa ruta ng bus, minsan kada labinlimang minuto hanggang 30 minuto ang pagitan ng mga bus. Kapag hindi mo naabutan ang isang bus, asahan mong maghihintay ka pa ng matagal para sa susunod. Kahit isang minuto o segundo na lang ang pagitan ninyo ng bus, hindi ka pagbubuksan ng pinto ng mamang driver. Policy ata nila yun.
12 segundo.
Apat na bus at isang tren ang sinasakyan ko araw-araw sa one-way kong biyahe sa trabaho. Sa humigit-kumulang dalawang oras na biyaheng iyon, kundi ako nagnanakaw ng idlip, ay nagbabasa ako ng libro.
10 segundo.
Ilang segundo din akong sinermunan ni manong driver pero wala hindi ko siya gaanong pinakinggan. Mas malakas yung kanta ng Maroon5 at ni Rihanna sa tenga ko.
“If I never see your face again, i don’t mind!”
8 segundo.
Nasa chapter 21 na ako ng Fight Club ni Chuck Palahniuk nang bumaba ako sa Orange Line station. Pang-apat na araw ko na itong binabasa. Paunti-unting chapters kada sakay ko sa tren o kaya sa bus.
Sabi nung doorman sa libro,
“If you don’t know what you want,”
“you end up with a lot you don’t.”
Nabasa ko yan sa Chapter 5.
Gusto kong makauwi ng maaga para makapanood ng DVD at makapagpahinga.
6 segundo.
Mula sa Orange line station, ay kailangan kong tumawid ng dalawang magkasunod na kalsada para marating ang bus stop ng susunod kong sasakyan. Kaya namang takbuhin iyon sa loob ng 15 segundo. Ang kaso, minsan epal lang talaga yung manong driver, at walang patawad kahit na isang segundo na lang ang pagitan ninyo, eh hindi ka pa din niya pasasakayin.
4 segundo
“I just don’t want to die without a few scars.” Sabi ng character sa libro.
Oo nga naman, Ang boring ng buhay mo kapag made-deads ka ng wala man lang kasugat-sugat.
Ilang araw ko na din itong iniisip, pero napagtanto ko nang hindi ako mamamatay sa Amerika. Hindi talaga, pramis.
2 segundo.
Tanaw na tanaw ko na yung pintuan ng bus. Akmang pasara na, naka-anggulo na yung bus palayo sa gutter at akmang aandar na. Dahil feelingero akong magaling sa kalkulasyon, natantsa ko na aabot pa ako kapag binilisan ko ng onti ang takbo.
1 segundo.
Nilundag ko ang pintuan ng bus. Nakapasok ako nang humihingal at nakangiti bago pa umusad ang gulong at sumara ang pinto.
Nagsimula nang magsermon si manong driver. Alam ko natakot siya baka naaksidente na ako kapag namali ako ng talon. Madami siyang sinabi. NApangiti na lang ako at naupo sa pinakamalapit na bakanteng upuan. Masaya ako kasi kahit sa loob ng labinlimang segundo, feeling ko ako ay superman.

5 comments
super-sam, sabi naman ni mang willy: discretion is the greater part of valor
[Reply]
samjuan reply on July 10th, 2008 2:15 pm:
May punto si mang willy, kabayang tagabukid. Hehe.
Nag-react lang naman si super-sam sa instincts niya kasi super bored na daw siya.
Salamat sa pagbisita!
Padayon!
[Reply]
hey Kuya! LOL
That happened to me too but sometimes i just let it leave me. It will be the driver’s fault if something happens to you or any other passenger. Kahit nga nakatayo na ang pasahero sa pinto at nakastop sa stop light hinde pinapapasok ang tao… nakakabanas din dahil you’ll have to wait again…
[Reply]
–
hakhak
superman nga yu!
hakhak
gudlak nextym sa pgtawid mo
hakhak
elyens
XXXxx
[Reply]
naks. hambilisss! ingat ingat neks taym! agahan na din ang pag-alis nekstaym. hihi
[Reply]
Leave a Comment