pushcart
Nakita ko na naman si manong Pinoy na namumulot ng basura sa street ng tinitirhan namin.
Una namin siyang nakita ng tatay ko isang gabi noong winter; naka-leather jacket, namumulot ng basura, may dalang push cart, at maingat na inaayos ang mga napulot sa loob ng cart.
Naalala ko pa kung paano pa namin pinagtalunan ng tatay kung PInoy ba siya o Mexicano. (May malaking pagkakahawig kasi ang mag Pinoy at Mexicano dito sa parteng ito ng America) May kutob akong Pinoy siya pero dahil sa tanging mga dilaw na ilaw lang kalsada ang dumadampi sa katawan niya, hindi ko masiguro. Para matuldukan ang aming paghihinala, pagdaan namin ni itay sa tapat niya, sinabihan siya ng tatay na “Kumusta po?” at walang pag-aalinlangan naman kaming sinagot ni manong ng “Ayos naman kabayan!”
Natuwa ako.
Noong unang salta ko dito sa bansang ito, sobrang natutuwa ako kapag nakakarinig ng salitang Pinoy at boses Pinoy. Kaya laging may parang lukso sa aking puso (oo, parang lumukso lang talaga ang puso ko) kapag nakakakita o nakakakausap ako ng kapwa Pinoy.
Pero sa kabilang banda, nalungkot ako.
Ang buong akala ko kasi ay puro mga pulubing Kano lang ang makikita ko dito. Mali pala ako.
Halos mga Caucasian na mga kano at mga AfriKano ang mga madalas kong makitang namamalimos o nambabasura dito. Bibihira ang mga Asyano. Kahit nga mga MexiKano, bihira kang makakita ng nambabasura. Para silang Pinoy, kahit anong trabaho papatusin, makaraos lang sa buhay.
Dito, kahit alam mong malakas pa sa kalabaw yung mga Caucasian na kano at mga AfriKano, eh mamamalimos pa din sila at magbabasura. Mga Caucasian na kano yun at mga AfriKano, sila yun.
Kaya laking gulat ko lang nung makita ko si manong Pinoy na lagi kong nakakangitian kapag nakakasalubong ko. Nagulat ako noon kasi sobrang rare ng kaso ng Pinoy o asyanong nambabasura sa Amerika. In the first place, hindi naman sila makakarating dito nang walang resources (pera, kamag-anak, matutuluyang trabaho, kaibigan). Well, baka judgmental lang ako, pero halos 99% ng mga nakakausap kong Pinoy dito kung saan-saan ay may mga ari-arian sa Pinas, may sapat na kaban ng yaman o may mga kamag-anak dito na pwede nilang hingan ng tulong. Sa kaso ko at ng pamilya ko, iba (Kami yung 1% na kabilang sa mga walang ari-arian sa Pinas at walang totoong kamag-anak dito, at walang sapat na kaban ng yaman) pero agad naman akong nakahanap ng trabaho kaya nakaka-survive kahit papaano.
Hindi ko pa nakakausap si manong Pinoy na madalas kong makasalubong na may hilang push cart na puno nang naharbat na basura. Baka isang araw bago mag=pasko ay magkaroon kami ng pagkakataong makapag-usap bilang magkababayan.

3 comments
uy nakakaawa naman. natutuwa pa man din ako na mga kababayan natin dito ay kahit papano ay maayos ang buhay. alamin mo naman kung anong nangyari sa kanya. baka matulungan.
[Reply]
samjuan reply on September 22nd, 2008 3:31 am:
Wag ka mag-alala kabayan, sa susunod na makasalubong ko siya at may pagkakataon, aalamin ko ang nangyari sa kanya
[Reply]
Nakakagulat naman ang kwento mo. Akala ko puro mayaman ang mga Pinoy sa US.
Kapag nagkausap ulit kayo ni Mang Pinoy, pakikumusta mo sya…tapos isulat mo ung kwento nya.
Aabangan ko ha…
[Reply]
Leave a Comment