anak ng!
Panalo talaga ang tatay sa pagbibigay ng tiwala. Nang magpaalam ako kanina sa lakad ko bukas kasama ang mga kaibigan ko, pinaulanan niya ako ng mga pangaral na kesyo matatabunan daw ako ng landslide at hindi makakalabas sa ilalim ng lupa, mahuhuli daw ako ng pulis at mapapauwi ng Pinas, maaksidente daw ako sa bus, mawawalan ng trabaho, at wala nang patutunguhan ang buhay ko. Ganyan magsermon ang tatay. Kala mo manghuhula ng trahedya. Pupunta lang naman ako ng Disneyland at maglilibot-libot. Isa pa, alam ko naman ang ginagawa ko at pinaghahandaan ko palagi ang mga gagawin ko. Kaya ko na din naman pangalagaan ang sarili ko. Hello tatay, di po ako babae at hindi na ako bata!
Naalala ko tuloy noong highschool, sa tuwing ginagabi ako pauwi, mga 7pm na ako nakakarating sa bahay dahil sa mga meetings s clubs at sa school paper, ay abot-kantong sermon at pagpaparatang ang inaabot ko sa tatay. Andiyang nag-aadik na daw ako, nagko-computer lang sa Cubao (may witness daw siya), nagfa-frat, at kung ano-ano pa. Kabilin-bilinan kasi niya, dapat bago magdilim, asa bahay na ako. Madaming masasamang loob, madaming naki-kidnap. Madaming nahoholdap, madaming pinapatay ng basta-basta, lalo na diyan sa Cubao, madaming mga adik na nagkalat-yan palagi ang mga litanya ni Itay. Salamat sa kanya naging matatakutin akong lumabas. Ewan ko ba kung bakit kung ituring niya ako ay parang Maria Clara, eh kaya ko naman pangalagaan ang sarili ko. Oo, gets ko naman na concerned lang siya, pero naman! Naman! Tatay naman! Hanggang ngayon pa ba tingin mo pa din sa’kin isang batang basta-basta magpapaapi at magpapaloko?
Ang hirap lang sa maraming mga magulang, madalas nilang itulad sa mga sarili nila yung mga anak nila. Sabi ng lola ko, takot lang daw ang tatay ko na magaya ako sa kanya 20++ years ago. Hari kasi siya nun ng kalsada. Siga sa mga barkada, sunog-baga, manginginom, adik-adikan, bulakbol sa eskwela, kasali sa mga frats, at tipong walang patutunguhan hanggang sa pumasok siya ng Hukbong Sandatahan ng Pinas kasama ng lolo ko. Naman itay, kung gusto kong magpaka-gago at magpakasira sa buhay ko, noon ko pa ginawa.
Malaki din naman ang ipinagpapasalamat ko sa tatay dahil sa pagiging strikto niya. Mas naging alerto ako sa paligid ko, mas naging maingat at mas naging handa sa anumang panganib. Mula pagkabata, napagtanto kong lahat ng sulok ng daigdig, kahit gaano ito mukhang ligtas, ay palaging may panganib na nakaamba. Sabi nga nila, pag oras mo na, oras mo na.
Sabi ng tatay kanina sa telepono, “Kung gusto mong di na kita pakialamanan, dapat hindi ka na nakatira sa akin. Eh cargo pa din kita eh.” Eh bakit nung nag-aaral pa ako sa kolehiyo at tumira ako sa boarding house, wala pa ding pinagbago. Wala pa din akong madamang tiwala mula sa tatay. Pakiramdam niya kasi isa akong lampahing bata na di kayang ipagtanggol ang sarili.
Mga labinlimang minute din akong nakinig sa litanya ni itay kanina tungkol sa landslides, sa bagyo, at sa mga manlolokong kaibigan. Kung hindi ko pa siya pinutol dahil hinahanap na ako ng bosing ko ditto sa opisina, malamang aabot pa kami ng 30 minuto. Sa kalagitnaan ng kanyang halos walang patid na litanya, naisip kong dapat umaksiyon na ako agad. Napagtanto kong gusto ko na talaga ng sarili kong buhay. Hindi na ako nakakausad pasulong dahil nakatali pa din ako sa pamilya ko. Oo, alam kong mahirap ang desisyon kong ito, pero kailangan ko itong gawin para sa sarili ko. Bahala na. Basta dapat makaipon at makapamuhay nang mag-isa. Kapag nangyari yun, ipapakita ko sa kanya na hindi na kayak o angsarili ko at hindi na siya dapat mag-alala pa ng todo.
Sabi nga ni Alfredo kay Salvatore sa pelikulang Cinema Paradiso:
” …you must pursue your destiny wholeheartedly and never look back and never return — never returning to visit, never to give in to nostalgia, never to even write or think about them…”

5 comments
ang tatay ko never akong pinagbawalan which is a good and bad thing din naman…
good thing kasi hindi ako nag rebelde. natatakot kasi akong sirain ang tiwala nila.
bad thing, nagdududa ako kung concern sila sa akin!
hehehe…
haay, cinemaparadiso….
[Reply]
ganyan rin ang tatay ko dati, noong nabubuhay pa siya. ayaw lang siguro nila tayong malagay sa masama o sa alanganin. naiintindihan ko ang kagustuhan mong bumukod. iba rin ang pakiramdam ng may laya. huwag mo lang kalilimutang bumisita paminsan minsan sa kanila. hehe
[Reply]
“Hello tatay, di po ako babae at hindi na ako bata!”
Baka maraming magalit na feminista sa remark na ‘to.hehe
[Reply]
*tingin sa taas* pakiramdam ko nga.
hahanapin mo naman yan kung kunwari ay hindi ka pinapakelaman. ewan ko, yung tatay ko siguro kasi parang ako lang pagdating sa mga ganyang klaseng bagay. ibinabagay ng mabuti yung aksyon para sa sitwasyon. well, di ko naman sinasabing makitid yung isip ng tatay mo. he has his reasons too.
nung nag aaral pa ako, bawal talaga magnobyo. ngayon naman, masaya na sya para sakin na may nobyo ako. o diba?
chaka baka dahil din s background ng tatay mo. strict talaga. basta isipin mo, may rason sya kung bakit ka ginaganyan. hukbong sandatahan. hanep.
hanggang ngayon naman kahit nakabukod na yung mga kapatid kong lalake ganun padin naman yung concern ng tatay namin para sa kanila.
[Reply]
thanks prn kay tatay..di ka nmn magging ganyan kung di ganyan ang pgppalaki sau.anu daw?haha!pero u learned to be tough and the best thing about that is that u took it possibly (i.e. you took evry “sermon” as a challenge for you to prove him wrong) shtig!hehe.
[Reply]
Leave a Comment