mga kwento ni samjuan, sino man, tungkol kanino man, kahit saan, kahit kailan, salamat walang anuman
Random header image... Refresh for more!

Bagong taon

Mahigit isang taon na din ang nakalipas nang mapagtanto namin ng kaibigan kong si Niga na simula sa puntong lumabas na kami sa unibersidad, eh back to zero na ang labanan.

Kung noon eh presidente kami ng mga organizations namin, namumuno sa student council at sa klase at animo’y nasa taas kami ng food chain noong senior years sa college, pagka-graduate, balik ulit kami sa ibaba. Pahirapang humanap ng trabaho, bagong pakikisama, panibagong paggapang paakyat sa hagdan ng panibagong palapag ng pakikipagsapalaran. Back to zero.

Isang taon at isang araw na ang nakalipas mula nang lumapag ako dito. Tandang tanda ko pa noon kung gaano kalutang ang isipan ko at damdamin- ikaw na pumuntang Amerika na dala ang isang maletang may pang isang linggong set ng damit, isang sapatos, isang libro at planner kahit na alam mong wala kayong malinaw na plano ng tatay mo kung paano nga ba kayo mabubuhay at magsisimula sa bansang wala naman kayong kamag-anak, walang kaibigan, walang siguradong matitirhan, walang mapapasukang trabaho, walang back-up na pera, at walang matinong kapapelan. Back to zero.

Isang taon at isang araw pa lang ang nakakalipas at naging bida na naman sa stage ang mga krisis sa bigas, sa ekonomiya at sa langis. Yung mga dating kasong nililitis eh nalimutan na ng publiko at natabunan ng mga panibagong mga pakulo ng gobyerno. Napaka-showbiz ng pulitika sa Pinas. Back to zero.

Madami sa mg aclassmates ko nung elementary at highschool may mga anak na. Yung iba asa abroad na pala. Yung iba, ilangtaon na din akong walang balita. Di pa naman siguro sila dedbols.

Isang taon pa lang ang nakakalipas pero namatay na si Auntie Dioning, kapatid ng lola ko. Tapos si Tito Boyet din na pinsan ng tatay ko, sumunod na din. Nabagok na lang daw bigla yung ulo sa lupa. Paano kaya magsisimula ulit yung pamilya ni Tito Boyet? Back to zero.

Madami sa mga batchmates ko nung kolehiyo eh nagsipagbuntisan na at nagpakasal. Yung ilan may anak na din. Isangtaon lang ah. Isang taon pa lang akong nawala. Haha. Ok, back to zero.

Mahigit isang taon na din akong tigang, buti na lang andiyan palagi si Mariang palad. Isang taon pa lang ang nakakalipas pero may girlfriend na ang ex-girlfriend ko. Masaya silang dalawa. Ako? Ilan na din ang nai-date ko dito pero ala eh, ayaw nila sa’kin. Mukha daw akong bata. Zero.

Isang buwan na lang mag-iisang taon na din akong nagba-blog. Disyembre ako unang nagpublish ng blog entry. Mag-iisang taon na at agad napansin si Samjuan ng Philippine Blog Awards at ng Inquirer. (May nag-email sa akin sa Inquirer. Hehe.) Nag-iisangtaon pa lang pero andami niyo nang nakilala ko at nasulyapan ang mga buhay, lalo na ang mga kapwa ko OFW. Sobrang nakakatuwa at nakakataba lang ng puso.

Isang taon pa lang ang nakakalipas pero nakabili na ako ng dalawang laptops, isang camera, isang mala-ipod na mp3 player, nakapag-mall at nakagastos ng 200USD sa isang araw, nakapagbabayad ng renta sa bahay na may halagang 800USD kada buwan, nakapagpadala ng package sa Pinas, at nakapag-ipon ng onti. Pag sinabing konti, halos wala na Pag may emergency, patay na. Pag nagkalokohan na (wag naman sana) at may mangyaring aberya, ala na, olats na ang bulsa. Kaya ganun pa din,. Back to zero.

Ilang oras na lang may bago nang Presidente ang bansang ito. Kung si McCain man o si Obama ang mamuno, bagong simula pa din yun. Bagong pamamahala. For better or for worse. Back to zero ulit.

Wala na kami sa unibersidad at nakailang trabaho na din ako mula nang gumraduate ako sa kolehiyo. Mga trabahong hindi ko naman talaga linya at hindi ko natagalan ng isang taon. Sa nakaraang mahigit na isang taon, napagtanto kong mahirap gumapang (Oo, paggapang ito at hindi basta pag-akyat lamang) sa palapag ng inaasam mong pangarap. Mas mataas ang pangarap mo, mas mahirap at mas matagal-tagal pa yan na paggapang to earn points. Kaya nga walang sukuan dapat. Bawal mawalan ng pag-asa. Malay mo, may higanteng malakas na bumitbit sa’yo pataas, edi instant hitch ka na. O di kaya may mayamang bitbitin ka at isakay sa elevator niya, edi ayus na ayus. Kaya nga wag agad mawawalan ng pag-asa. Kahit magiba pa ang hagdan na inaakyat mo, smile ka lang, mas mabilis na mahuhulog sa mga kamay mo ang pinapangarap mong asa taas.

At dahil bagong taon ko ‘to sa Amerika, susubukan ko nang mag-blog ng aking mgakaranasan mula pagkabata hanggang sa kung paano ba ako napadpad sa bansang ito. Ok, back to zero.

3 comments

1 azi { 11.05.08 at 5:01 am }

Kakatuwa ang mga sulat mo :) Bahagyang nag”coffee break” ako at binasa ko ang iyong mga sulat. Nakakatuwa ito :) Muli akong bibisita. Nakakatuwa din ang kagilagilalas mong adbentyurs… Mag-ingat ka sa amerika :)

[Reply]

2 azi { 11.05.08 at 5:06 am }

ang ganda ng iyong mga sulatin :) bibisita ako muli :)

[Reply]

3 Kevin { 11.07.08 at 8:09 pm }

Minsan gusto ko ring grumaduate para maranasan ang mga pakikipagsapalaran sa buhay. Minsan gusto ko ring gumastos ng 200USD sa isang shopping, kahit na alam kong walang tatalo sa shopping spree ni Palin.

[Reply]

Leave a Comment