Puno ng ingay ng mga kanong nagdadaldalan pati na ng babaeng nagbebenta ng kung ano-ano sa lcd TV yung bus na sinasakyan ko kanina. Maingay sila at nag-iingay na din yug pinapakinggan kong albums ng bandang Muse sa tenga ko. Ang aga-aga maingay ang mundo ko. Feeling ko magiging maingay din ang maghapon ko pero wag ka, bigla akong pinatahimik nung mag-inang nakita ko.
Umupo yung cute na bata sa may upuan malapit sa kinatatayuan ko. Yung nanay niyang mukhang Pinay naman eh tumayo malapit sa kanya, sa may tabi ko para kumapit sa may hawakan ng kamay. Madaldal silang mag-ina. Mantakin mong sa daldal nila, eh wala akong masyadong na-gets sa pinag-uusapan nila. Ang alam ko lang at angnagpatahimik sa akin, ayaw na ng cute na batang umiyak pa yung nanay niya. Kasi umaarte siya na parang lumuluha sabay turo sa nanay sabay punas ng luha sabay senyas na wag nang lumuha sabay smile. Nagsa-sign language silang mag-ina.
Siyempre inalala ko naman yung mga sign language alphabet na natutunan ko sa likod ngmga notebooks ng mga kaklase ko nung elementary. Pero wala eh, dispalinghado na ang memorya ko. Nakiramdam na lang ako at tumahimik. Sa di ko maipaliwanag na dahilan, biglang nanahimik ang magulo kong isip at diwa.
Naalala ko din tuloy yung mag jowang nagsa-sign language sa jeep na nasakyan ko noon papuntang Tomas Morato. Napak-daldal nila. Andami nilang pinag-uusapan pero wala silang nabubulabog na tao sa jeep. Asteg lang nila. Iwas chismis, iwas perwisyo. Panalo yung dalawang yun kasi matapos mag-kwentuhan ng mga kamay at daliri nila eh biglang halikan ang moda nila. Ang sweeeet!
Minsan naisip ko ang astig lang din ng ganun. Kaya anggulo-gulo ng mundo eh dahil sa mga madadaldal na tao eh. Maraming mga nasasabing di naman dapat sabihin, maraming mga dapat sabihin na hindi masabi-sabi. Marami ding pilit na patitigilin ka sa pagsasalita kahit na lahat naman ay may karapatang magsalita. Buti pa silang mga madadaldal na nakakasabay ko sa bus at jeep na gamit ang daliri, nagdadaldalan, nagkakaintindihan, pero tahimik, mas may puso, mas nadarama.
P.S. namiss ko naman nanay ko bigla.

0 Response to “huminto tayo saglit para sa katahimikan”