Samjuan's undas sa Amerika

Maaga din akong gumising gaya ng ginagawa ko sa Pinas. Yun nga lang, hindi sa sementeryo ang punta ko kundi sa trabaho. Isa itong normal na araw ng trabaho para sa’kin pero parang ito na yung pasko ng mga tao dito. Ilang linggo pa lang bago dumating ang araw ng undas eh abala na ang karamihan dito sa pagsasaayos ng kani-kanilang mga costumes at pang trick or treats.

Ganun daw talaga sila dito. Mga bahay ng buhay ang binibisita at hindi mga patay. Araw ng mga candies at treats at parties ang araw naman ng paggunita sa mga patay sa Pinas.

Naalala ko minsan, may narinig ako ditong kwento ng kababayang OFW na hindi pinayagan ng amo niyang magpunta sa burol nang magpaalam siya. Kasi naman daw patay na naman yung pupuntahan niya at mas mahalaga daw ang mag gawain ng mga buhay na nilalang. Well, sa isang banda may punto naman ang boss niya, pero hindi mo pa rin maiaalis sa dugong Pinoy ang pagbibigay ng galang at huling pagpupugay sa kanyang yumaong kaanak o kaibigan.

Noong umaga, habang naglalakad papunta sa bus stop, pinagdasal ko na yung mga kaanak kong yumao. Hiniling ko din na sana gabayan nila ako sa mga pinaggagagawa ko sa buhay ko dito sa bansang ‘to. (Oo, madalas nagdadasal ako kapag naglalakad mag-isa. Feeling ko kasama ko lang naglalakad ang Maykapal kasama ang mga anghel de la guardias ko. O diba feeling close lang sa langit? Haha) Tapos padating sa opisina, bisita sa iba’t ibang blogs (na bihira kong magawa dahil andaming utos ng boss) tapos nagtrabaho, tapos umuwi, nagmuni-muni, inaliw ang sarili sa panonood ng mga bata at matatandang naka-costume sa bus at tren, tapos nabigyan ako ng mga candies nung kapit-bahay naming puti na may bonggang decoration sa garden niya- may mga nitso, mga estatwa na may mga maskarang nakakatakot, mga sapot-sapot at wag ka, may smoke machine pa siya. Effort nga si kuya kasi talagang nakatayo siya sa gilid ng gate nila habang namimigay ng candies at tsokolates sa mga dumadaan. Kung hindi nga lang halloween, mapagkakamalan mo siyang zombie o multo doon. Naman. Ang tangkad niya na ang payat na may hawak na halloween pumpkin na puno ng treats.

Di tulad ng bongga naming kapitbahay na madaming pang treats, kami sa inuupahan naming bahay ay wala. Kaya naman patay agad ang ilaw at tahimik kaming nagsipuntahan sa kwarto para kunwari walang tao. Dedma lang sa mga kumakatok at dumidingdong sa doorbell para mag- trick-or-treat. Sorry na. Wala kaming nabiling kendi at tsokolateng ipamumudmod. Di naman pwedeng trick na lang din o kaya smile ko na lang. Mahirap na, ma-holdap pa ako. Oo, holdap. Since madaming pagala-galang naka-costume sa lansangan sa mga panahong ito, nagkalat din ang mga mapanamantalang mga nilalang. Merong nakwento si ateng kasama namin sa bahay na kinwento daw sa kanya ng kasama niya sa trabaho. Meron daw convenience store na naholdap ng manong na naka-costume. Shempre di nahuli ang gagong holdaper. Naka-costume eh. Nagblend na lang din siya sa crowd ng mga pagala-galang naka-costume sa labas. Nakakatakot lang yun. May magti-trick or treat sa’yo sabay tutok ng baril. Takteng yan.

Anyways, nung patulog na ako, naalala ko naman yung pangangaluluwa namin nung bata pa ako sa prubinsiya. Yun yung  parang pangangaroling kaso dahil undas, pangangaluluwa ang tawag namin. Basta ang tanda ko, may dala kaming mga kandila tapos naglalakad sa madilim na kalye tapos may kinakanta kami noon eh. Kantang kaluluwa daw. Wahaha. Mga pauso ng mga kababata ko.

Inaya din pala ako ng kakilala ko na maki-party sa may Hollywood kaso hindi naman ako party animal. Isa pa, wala akong costume, kaya hindi na lang ako sumama. Oks lang din kahit papaano, may party naman yung kapitbahay naming mga MexiKano. Todo mic at sing-along galore sila sabay tugtugan a la fiesta with harmonica and accordion.

Nami-miss ko ang undas sa Pinas.

3 Responses to “Samjuan's undas sa Amerika”


Leave a Reply