Si Tukne

Kasabay ko siya noon maligo sa iisang batya. Siya ang una kong iniisip at inaantabayanan sa umagang sagana sa sikat ng araw at usok mula sa mga siga ng bundok ng mga tuyong dahon na naipon ng mga matatandang nagwawalis salikod-bahay. Siya ang kasama ko hanggang magdilim at pauwiin kami ng mga nakakatandang nag-aalaga sa amin.

Madami kaming pictures na magkasama- hubad, may damit, kumakain, naglalaro, umiiyak, naka-pose at naliligo. Siya ata ang unang crush ko.

Sa prubinsiya namin sa Nueva Ecija ko siya nakilala. Nakatira sila sa kubo sa likod ng bahay ng lolo’t lola ko. Yung kubo nila ang una kong tinatanaw noon kapag bubuksan ko yung kahoy na bintana sa kwarto. Basta ang alam ko noon, parang tumatalon ang puso ko kapag nakikita ko si Tukne.

Ang gaan-gaan ng loob ko sa kanya. Sa kanya ata ako unang na-high. Haha. Basta ansarap na para kang laging naiihi na parang gusto mo na lang siyang yakapin maghapon, ganun yung pakiramdam ko sa kanya. Naglulutu-lutuan kami gamit ang mga dahon, kahoy at lata galing sa tambak ng basura. Kumakain kami ng kung ano-ano sa bahay, tumatambay kina aling Miling, nakikipagpatintero sa ibang mga bata sa kabilang poblacion at nakikipag-batuhan kina Rocky at sa ibang mga mayayamang bata. Nagbabahay-bahayan kami, siya nanay ako tatay.

Mula nang bitbitin ako ng Tatay papuntang Maynila, tuwing bakasyon ko na lang nakakasama si Tukne. Kaya naman tuwing uuwi ako ng Nueva Ecija, sinisiguro kong magkikita kami at makakasama ko siya. Kundi ko siya makakalaro eh sisiguruhin kong makakakwentuhan ko siya. Kahit kwento lang solb na ako.

Minsan napagsabihan ako ng Mamang (lola ko) na iwasan ko na daw makipaglaro kay Tukne. Malikot daw ang kamay nito. Nainis ako noon kay Mamang. Mas pinanigan ko si Tukne. Sana lang di nila inaakusahan ng kung ano-ano yung kalaro ko diba? Ganun ba talaga ang mag matatanda? Judgmental sa mga kalaro mo lalo na kung di kagandahan ang mga damit nila?

Wala akong pakialam kung minsan amoy natuyong laway yung panyo o damit ni Tukne. Eh ano ngayon kung sa kubo lang sila nakatira? Eh ano kung madalas madumi siya kasi tumutulong siya sa nanay niya sa bukid? Eh ano ngayon kung kulay kape siya? Basta alam ko noon, si Tukne ang kaibigan kong nagpapagaan ng loob ko, ang nagpapalungkot sa akin kapag hindi ko siya nakikita, at nagpapasaya sa akin sa tuwing maririnig ko yung katok niya sa bintana namin para tawagin ako at maglaro.

Nung nasa kolehiyo ako, nabalitaan kong nag-Brunei daw si Tukne. GRO daw. Tumangkad kasi siya ng todo. Eh napaka-payat pa naman ng babaeng yun. Imagine Wilma Doesn’t, yun na!

Nung minsang umuwi naman ako para magbakasyon sa prubinsiya, nalaman kong nagtatrabaho din pala siya sa Ortigas bilang isang kasambahay- taga-alaga ng bata, ng aso, ng mga amo. Kung hindi pa kami nag-abot noon sa Nueva Ecija noong undas, eh hindi ko pa malalaman ang mga raket niya sa buhay.

Highschool na ako nung malaman ko yung totoong pangalan ni Tukne. Malayo sa tawag ko at ng mga tao sa kanya. Malaayong-malayo, pramis. Tipong JenJen pero angtotoong pangalan pala ay Heremeia. Ganun.

May trabaho na ako noon sa Pinas nang malaman kong may asawa na pala siya. Sabi ko pakilala niya ako sa asawa niya. Busy daw sa bukid. Naging textmates kami noon. Pero saglit lang din.

Seloso daw ang asawa niya.

Ngayong andito na ako, wala na akong balita sa kanya. May mga anak na kaya siya? Maayos kaya ang lagay niya? Shet. Dapat mapadalhan ko siya ng sulat. Sana eh nasa mabuti siyang kalagayan. Namimiss ko na siya.

Basta, kung crush man ang tawag sa kung anong nararamdaman ko noon kay Tukne, edi crush na nga yun. Ayan, si Tukne pala ang una kong crush.

7 Responses to “Si Tukne”


Leave a Reply