EDSA yung unang highway na pinagpraktisan kong magmaneho. Sa EDSA ginitgit ng mga balasubas na bus drivers yung pawis steering na kotseng minamaneho ko noon.
Sa EDSA ako nag-Iloveyou sa isa sa mga kalaguyo ko noon. Sa EDSA ako nanonood ng float ng mga artista. Sa EDSA, sa may people power monument, kami nakiki-party tuwing Pebrero.
Sa EDSA ako nagbibyahe araw-araw papuntang trabaho noong asa Pinas pa ako. Sa EDSA ako hinipuan nung katabi kong manong na naka leather jacket na mukhang holdaper na kumakanta ng To love you more ni Sarah Geronimo.
Sa isa sa mga tulay sa EDSA ko naranasang magtulak ng nasiraang schoolbus. Isang gabi mula Shang-ri-la hanggang Robinson’s galleria sa EDSA, may nakasama akong maglakad na sobrang nakapagpagaan ng kalooban ko.
Sa EDSA ako nakipaghabulan sa mga bus para hindi ma-late. As in literal na nakikipaghabulan sa bus along the sidewalk ah? Ganun.
Sa EDSA ako madalas managinip. Siyempre kapag nakasakay ako ng bus at nakakatulog, doon ako nananaginip. Churaneto.
Sa may EDSA ako nanakawan ng kauna-unahan kong cellphone na mukhang safeguard. Hindi siya Alcatel, anuba. Trium. Oo, trium yung brand.
Sa istasyon ng bus sa EDSA ko unang nakita yung isa ko pang kapatid na nakatira sa Guimaras.
Sa EDSA, madami akong naamoy. Nandiyan yung amoy ng masangsang na hangin sa may MRT sa Quezon Ave tuwing umaga, andiyan ang amoy usok, andiyan ang amoy pawis sa mga sasakyan, ang amoy aircon ng mall, ang amoy ng basura mula sa mga trucks ng basura, ang amoy ng mga naghalo-halong pabango ng mga taong papasok sa opisina, ang amoy ng depresyon, amoy ng stress, amoy ng pag-asa, amoy ng libog, pati na amoy ng pag-ibig.
Sa EDSA, na ilang hakbang lang mula sa mga natirhan naming bahay noon sa Maynila, naalala ko kung paano ko hinabol-habol yung tatay ko noong bata pa ako habang papasok siya sa Kampo ng mga sundalo.
Sa may mall sa EDSA ko tinapon yung kahon ng pills na binigay ko sa girlfriend ko.
Sa may EDSA naipit yung daliri ng lola ko sa pintuan ng kotse.
Sa EDSA, sa EDSA, kung saan ako madalas dumaan at magpunta, ako mamamasyal pag-uwi ko. Magpapa grand inuman ako doon. Pramis. Haha. Kaya pagdasal niyo na ang aking tagumpay sa bansang ito.

Haaay, EDSA…
EDSA…kumpulan ng mga Pilipinong patuloy na umaasa na may pag-asa pa nga ang bayang Pilipinas.
(Natawa ako dun sa churaneto).
Meron, may pag-asa pa namna talaga ang bayang PIlipinas.
=)
Hangga’t may EDSA, (kahit na di naman talaga ito ang simbolo ng pag-asa) eh wag sanang mawala ang pag-asa at patuloy na pagkilos ng mga nakararami para sa ikauunlad at ikaaayos ng bansa
korak..masarap magmuni muni sa EDSA..kaya madalas nakkalampas sa dapat na patunguhan!…pag nagkaanak ako,edsa papangalan ko..wahaha..pasalubong..size 7
Panlalaki o pambabae? Hehe
akalain mo nga naman, trium din ang kauna-unahan kong cellphone. hahaha!
pero di tulad mo, hindi ako sanay sa edsa. pang prubinsya lang ako. hehe!
Trium din? Di nga? Haha! Astig!