Si Verna

Kasabay ng paghulog ng blue ballpen sa sahig yung pagkahulog ng loob ko kay Verna. Unang araw pa lang nang makatabi ko siya sa klase, iba na yung dating niya sa akin. Yun bang tipong di ka na nakaka-concentrate sa mga sinasabi ng teacher at hindi ka na nakakakopya ng lecture notes sa board dahil mas naaaliw kang panoorin siyang magsulat.

Kaibigan niya noon si Ruby Ann, yung honor student na maliit na malakas ang boses, Si Gladys, yung matangkad na babaeng malaking bulas, at yung babaeng di ko na matandaan ang pangalan na mukhang maldita pero mabait din naman kahit papaano. Kinaibigan ko yung mga kaibigan niya.

Kahit na nalki-link ako noon sa muse ko (Oo, naging escort ako noon sa klase) na si Althea, yung magandang babaeng mestiza na crush ng batch, eh mas malakas pa din ang tama ko kay Verna.

Si Verna yung tipo ng babaeng tahimik at palangiti. Sa tuwing mapapatingin ako sa kanya, ngumingiti siya tapos biglang lingon sa malayo. Ang cute lang.

Nung minsang sugurin ako ng nanay na teacher ni Jerome dahil nadiskubre ko na siya yung nagkalat ng lagim at masangsang na amoy ng jebs sa classroom, nandun si Verna, sa sulok, natatawa sa akin. Tandang-tanda ko pa, yung mga ngiting yun ang nagpa-alis ng kaba sa aking dibdib. Ikaw ba naman ang palibutan ng mga bata at pagalitan at duru-duruin ng nanay na teacher ng classmate mong natae sa shorts.

Kay Verna ko unang nasubukan angstalking skills ko. Pilit kong pinag-tanong tanong kung saan ba siya nakatira. Napadpad ako sa iba’t-ibang subdivisions noon sa bayan namin. Narating ko yung mga lugar ng mga mayayaman, yung lugar na may malalaking mga bahay, mga higanteng aso, at mga nagtatayugang mga tarangkahan. Nakapunta ako sa mga liblib na lugar pero hindi ko natunton ang bahay nila. Tanda ko pa meron akong naispottan na bahay na alam kong kina Verna pero wala namang lumabas na tao. Nangati lang ako sa palay. Panahon kasi yun ng pagbibilad ng palay sa kalsada.

Bukambibig ko ang pangalang Verna noon. Verna! Verna! Verna! Asa’n ka na kaya? Hanggang ngitian lang kami. Kinikilig-kilig lang ako sa kanya. Ganun lang.

Siguro yung pinaka-kilig moment ko kay Verna eh nung nalaman niyang may crush ako sa kanya.
Di ko na matandaan kung sinong tampalasan ang nagsabi sa kanya na crush ko siya pero kilig an kilig ako nung nakita ko siyang namumula at nakangiti nung magkita kami.

Si Verna yung babaeng may aura ni Agot Isidro. SImpleng maganda na mukhang mabait.
Huli ko siyang nakita sa Friendster. Yun eh nung nagfe-friendster pa ako. Tinanggap naman niya ang imbitasyon kong maging online friend niya. Single pa ata siya noon. Ewan ko lang ngayon.

Grade 3 pa kami nung huli ko siyang makita nang harapan. Mula nung pulutin ko at iabot sa kanya yung nahulog niyang blue ballpen, di ko pa din siya nakakalimutan. Isa siya sa mga taong nanahan ng matagal-tagal sa isip ko noong nag-aaral ako sa prubinsiya.

14 Responses to “Si Verna”


Leave a Reply