Dearest pa

Kung hindi dahil sa iyo wala akong initiative.Yan kasi ang paulit-ulit mong sinasaksak noon sa utak ko. Dapat may initiative akong matuto ng mga bagay na dapat kong matutunan gaya ng pagtatali ng sapatos, paglilinis at pag-aayos ng paligid, pagbabahagi ng tulong sa mga nangangailangan at paggawa ng mga bagay na sa tingin ko eh makakabuti sa akin. Salamat dahil kung hindi dahil sa iyo eh hindi ako magkakaroon ng initiative na magblog ngayon at ipamahagi sa mundo kung gaano ako nagpapasalamat at naging tatay kita.

Salamat sa pagkakarga sa akin noon sa mga balikat mo. Salamat sa pagdadala sa akin sa manila zoo, maaga akong namulat sa konsepto ng mga hayop at kalikasan. Salamat sa pagsasama sa akin sa paglilibot sa Maynila, maaga akong natuto ng konsepto ng iba’t ibang kahayupan sa mundo.

Naalala ko pa noong unang panahon nung iniwan mo ako sa may tindahan sa kanto ng 15th avenue sa may gate ng camp Aguinaldo, iyak ako ng iyak noon. As in iyak bata ha. Yung MWAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAh sabay hagulgol hanggang sa tumahan ako at humikbi hikbi na lang. Ayokong mawalay sa iyo noon.

Idol kita noon eh. Akala mo lang hindi, pero oo! Oo! Oo! Idol kita noon. Bilib ako sa abilidad mo at diskarte sa buhay. Buti pinanindigan mong anak mo ako kahit na sinasabi noon palagi ng Prep teacher ko at ng mga kasamahan mo sa trabaho at ng tindera sa kanto na ampon mo lang daw ako kasi mukha akong anak ng mayaman (sorry na maputi si ma) at ikaw daw ang driver ko.

Thank you nga pala lasi kung hindi ka yosiero mula pagkabata ko eh di baka nagyoyosi na din ako ngayon. Bata pa lang ako, alam ko nang hindi cool ang mag-yosi. At bata pa lang ako, nagloko na ang mga baga ko kaya thanks to you and your yosi, nalaman natin yun agad at naagapan ang buhay ko ng mga gamot.

Pa, thank you sa pagbibintang mo noon sa akin na nagdodroga ako, kasali s frat, basagulero, at pala-computer sa kanto. Kundi dahil doon, hidi ako macha-challenge na patunayan sa iyo na mali ang mga ibinibintang mo sa akin at hindi ako magiging salutatorian.

Kahit na wala ka nung grade 4 recognition namin para sabitan ako ng award (buti na lang may nagmalasakit na teacher noon at tumayong kunwaring guardian ko para sabitan ako ng medalya at ribbons) eh andun ka naman noong graduation ko noong grade 6 para suportahan ako. “O, salutatorian lang yang anak ko na yan ha?” sabay tingin sa nanay ng valedictorian noon pati na mga teachers na nakahilera sa may stage sa tuwing aakyat ako at tatanggap ng award.

Di bale nang hindi mo ako ginawan ng retreat letter noon na requirement ng school sa mga magreretreat. Ok lang na nagpanggap akong may binabasang letter mula sa parent kahit na blanko naman talaga yung hawak kong papel. Don’t worry, naiyak din naman ako noon tulad ng mga kaklase  ko. Aba, nakakaluha kayang tumitig sa blankong papel at mag hallucinate ng mga nakasulat doon mula sa iyo. Ok lang yun tay, di ko din naman binasa yung nobelang sulat na ginawa mo noon sa akin isang araw matapos mo akong bugbugin ng suntok at mura noon. Sorry na, pinunit-punit ko iyon at di ko man lang binigyan ng pagkakataong mabasa.

Quits na tayo.

Yung mga pamamalo mo sa’kin? Naku napatawad na kita. Oks lang no. At least masasabi kong naranasan kong mapalo ng halos lahat ng pwede mong ipalo sa akin mula walis tambo, tingting, leather belt, garrison belt, kawayan, bakal, plastic at kung ano-ano pa. Kung hindi mo ako pinaranas ng mga suntok sa tiyan at sa braso eh di sana hindi ako tigasin ngayon diba? Thank you.

Naalala mo yung panahon na hinahanap mo yung sinturon mo sa buong bahay tas di namin makitia kasi wala naman talaga tapos sabi ko baka nasa kotse mo pero minura mo ako tapos nagalit ako tas pinakyuhan kita nang patago pero nakita ng katulong natin noon na may dugong espiya na nagsumbong sa’yo na pinakyuhan kita tapos umuwi kang nanggagalaiti sa galit na parang may sapi ng sampung demonyo na namumula ang mga mata tapos kinaladkad mo ako sa kwarto, winarak ang damit, sinuntok, minura, binugbog  sinigwan at pinalo tapos di pa yun kasi may round 2 pa pala sa opisina mo na mga 5 blocks away sa tinitirhan natin kaya sinama mo ako na umiiyak na may dalang unan at naglakad tayo papunta sa opisina mo habang nakikita ako ng mga kalaro ko noon na umiiyak at nakasuot ng uber laking t-shirt tapos nang makarating tayo sa opisina mo ay pinaupo mo ako sa mesa tapos pinalatag mo yung palad ko nang naka-spread ang daliri sa mesa tapos pra kang nagti tic-tac-toe sa pagitan ng mga daliri ko gamit yung kutsilyo mo tapos nung na-bore ka kumuha ka ng wire cutter at inipit yung pinampakyu kong daliri hanggang sa feeling mo iiyak ako pero di ako umiyak dahil nagpapakatatag ako noon tapos pinalo mo ako ulit at sinigawan hanggang sa mapagod ka at hinayaan akong makatulog ako sa isang folding bed at nagising ng maaga hanggang sa maalala kong may pasok pala ako at hinihintay ako sa school kaya umalis ako agad ng opisina mo at pumasok sa school nang late tapos pinagalitan ako ng adviser ko kasi ako na lang daw ang hinihintay tapos pagkakita ng teacher sa mukha ko, tinanong niya ako kung bakit ko daw yun tinatakpan, sabi ko wala po sabi niya patingin, sabi niya ano yan? Sabi ko nadapa po ako sabi niya ng patagilid? Eh bakit hugis palad yang nasa mukha mo? Tapos ayun napaluha na lang ako. Mula noon, madalas na akong tawagan ng mga crushes ko sa klase dahil naaawa sila sa akin. Thank you tay, mas napalapit ako sa kanila.

Naalala mo din ba nung muntik mo nang ihataw sa mukha ko yung charger ng higanteng cellphone noon sa bahay? Wala lang. Haha.

Pa, kahit pati ang pagsusuot ko ng boxers lang sa bahay at ang pagkain ko sa gusto kong oras at ang pagsusuot ng mga gusto kong damit eh pinapakialaman mo pa din, ok lang. Mas ok na yun kesa walang nangengelam sa akin na kapamilya. Sabi nga, indifference is the opposite of love. Buti nang pinapagalitan mo ako nang madalas kesa indifferent ka sa’kin diba?

Oo, amainin ko, mas gusto ko si Ma noong bata ako kasi hindi niya ako pinapalo, niyayakap pa niya ako. Pero ngayon, parang mas gusto na kita. Haha. Oo, pramis. Mas nagbibigay ka ng hope eh. Alam mo yun, kahit mahirap ang buhay, kahit wala tayong pera, palagi mong nagagawan ng paraan ang mga bagay-bagay at never kaming nagutom, nagmukhang kawawa at nagmistulang api sa buhay. Partida ha, nabibili pa namin mga gusto namin, nakakapanood ng sine at nakakakain pa sa labas. Salamat sa friends mo at koneksyons at abilidad, nakaka-survive tayo sa buhay.

Thank you din ah. Kasi sa dinami-dami ng mga anak mo eh kami ang pinili mong samahan, Oo na, salamat din sa pagsasabi mo sa akin ng lihim mo na madami ka pa palang ibang mga anaks. Nampucha, parang kelangan ko pang mag-organize ng grand eyeball baling araw sa mga kapatid kong nakakabata.

Natuto ako ng mga gawaing bahay dahil sa’yo. Marunong akong maglaba, magluto, maglinis, mag-igib, maghugas ng pinggan,mag-alaga ng bata, mar-repair ng mga sirang gamit at magpatakbo ng bahay. Kung hindi ka naging istrikto at palautos noon, eh di sana nangangapa ako ngayon.

Salamat pa, kasi, kung hindi mo ginastos at isinugal yung retirement pay mo mula sa sandatahang lakas para pamasahe natin papunta dito  sa bansang ito, eh walang Samjuan ngayon. Salamat.

Nga pala, Happy, happy happy birthday Pa!

Mahal ka sa amin.

13 Responses to “Dearest pa”


  • Medyo nangilid ang luha ko dito sa post mong’ to, Kabayan. Lalo na nung parte na pumasok ka sa eskwelahan tapos tinatanong ka ng titser mo kung bakit mo tinatakpan ang mukha mo.

    Ganyan din ang nararamdaman ko dati sa Nanay ko. Sobrang istrikta kasi niya sa ‘kin nung bata ako. Pero ngayon ko nakita at na-appreciate lahat ng mga nagawa niya sa akin at para sa akin. Kaya sobrang mahal ko Nanay ko

    Reply

    samjuan reply on July 22nd, 2009 3:00 am:

    Apir tayo jan kabayan!
    Mabuhay ka at ang nanay mo

    Reply

  • Kadalasan lumalagpas sa wastong pagdidispilina ang ating mga magulang especially sa pisikal na pamamaraan ng pagdidispilina ng anak tulad ng pamamalo at pambabatk, sa paniniwala nila na ito ang tanging paraan para maiwasto ang maling ginawa ng kanyang mga anak. Pero minsan sa halip na pagmamahal ang ibalik ng anak sa magulang ay gali at takot ang namamayani sa damdamin ng munrang kaisiapan ng bata. Minsan sa lakas ng pamamalo o piskal na pagdidisiplina ay nauuwi sa pagkaospital ng bata.

    Bagamat may mga batang nagiging mabuting anak at mamamayan na nakaranas ng pagmamalupit na disiplina mula sa magulang, kahit ito ang epektibong pamamaraan ng wastong pagdidisiplina sa mga bata.

    Purihiin ka kaibigan sa pagbahagi ng iyong buhay kabataan sa amin, at maligayang kaarawan rin sa iyong ama.

    Reply

    samjuan reply on July 22nd, 2009 3:08 am:

    Hello the Pope!
    Noon, aaminin ko namayani talaga sa akin ang galit at takot.

    actually di ako sang-ayon na epektibong pamamaraan ng pagdidisiplina ang bayolens at pananakot. nakakaloko yun. siguro nagkataon lang na medyo ok ang coping mechanism ko at may mga kaibigan akong umaalalay sa akin kya hindi ako natuluyan at nabaliw. haha

    Reply

  • laki ako sa sinturon ng tatay kong OFW at sampal ng aking butihing ina… at galing sa isang mahirap na pamilya

    and halos naranasan kong lahat yung mga pinagdaanan mo budz kaya digs ko itong piyesa mong ito…

    teka saglit… magpapasalamat muna ako sa tatay ko ngayon… tatawag muna ako… maysakit na kasi sya & matagal na gamutan ang kelangan…

    bago ang lahat… lahat pala kaming magkakapatid ay naging propesyunal daw dahil sa paghihirap at pagpapakasakit (plus pagdidisiplina) ng aming mga magulang.. kahit labis man yun sa paningin ng iba.

    Reply

    samjuan reply on July 22nd, 2009 3:12 am:

    Nawa’y gumaling na ang tatay mo kabayan.
    Pagpalain siya ng kalawakan.
    Salamat nga pala sa pagbisita dito.

    Apir sa iyo!

    Reply

  • ano po email add nyo?

    add nyo po ako

    shynyrd.wordpress.com

    ako po ay isa sa mga masugid nyong tagahanga…

    rock on \m/ samjuan

    Reply

    samjuan reply on July 22nd, 2009 3:13 am:

    Nakakalat lang dito yung email add ko shea. Hehe. Salamats!
    rakrakan na! Woooooh! \m/

    Reply

  • wow.napakandang kwento.kahit na di masyadong maganda ang nangyari nung kabataan, malaki pa din ang naitulong para mahubog ng tama kung ano ka ngayon. galing.

    Reply

    samjuan reply on July 22nd, 2009 3:21 am:

    Salamat sa pagbisita dito sa samjuan.com kabayang cheng!
    May tama ka jan. MAlaki talaga nag naitutulong ng nakaraan sa kung ano tayo ngayon.

    Reply

  • maraming dahilan talaga para tayoy magpasalamat sa ating mga magulang..sila ang may dahilan kung bakit tayo narito at sila rin ang nagtuturo sa atin upang tayoy maging mabuting tao

    Reply

    samjuan reply on July 22nd, 2009 3:23 am:

    Well, di naman lahat ng mga magulang at lahat ng karanasan sa ating mga magulang ay makakapagturo sa atin para maging mabuting tao. Nasa sa atin yun at sa disposisyon natin sa buhay kasama ng ating mga desisyon na gagawin.
    :)
    tenkyu sa pagbisita kabayan!

    Reply

  • grabe ung inabot mong pahirap…..sa kamay ng ttay mo….sabagay ganyan din ko nuon pero ung sa iyo matindi…pero naisip mo b nuon n kng uso o alam mo n ung tinatawag n “child violence” n isusumbong mo b ung ttay mo?

    pero tama k din….darating din kasi ang panahon n maiisip mo ung mga nangyari sa iyo at un ang magiging sandalan mo….at maaalala mo ung ttay mo lalo’t kailangan mo ang payo ng isang ttay…..

    HAPPY B-DAY sa ttay mo SAMJUAN…..

    Reply

    samjuan reply on July 22nd, 2009 3:26 am:

    Haha, actually, naisip ko ang bantay bata 1 6 3 noon.
    Pero inisip ko din na di ko kaya noon na mawalan ng tatay.

    hehe.

    salamat daw sa pagbati nognog!

    Reply

  • Kabayan, Hehhe di ko alam kung matatawa ako o malulungkot! Parang ang hirap ng pinagdaanan mo at parang nakakatuwa rin kasi ginawa mo itong nakakatawa.

    Alam mo meron din akong ginawang sanaysay para sa tatay ko dalawa pa nga iyon eh. Kung may time ka lang kabayan pakibasa na rin. Hehehe!!

    http://utaknidrake.blogspot.com/2008/12/malapit-na-bertdey-ng-tatay-ko-december.html

    http://utaknidrake.blogspot.com/2009/06/dear-tatay.html

    USapang tatay kasi eh

    Ingat
    Drake

    Reply

    samjuan reply on July 22nd, 2009 3:27 am:

    Kabayang drake salamat at napadaan ka, yana mo’t babasahin ko yang mga sinulat mo kapag medyo nakaalpas ako sa ka-busyhan dito.
    hehe

    Reply

  • Ewan ko sa yo, Samjuan. Hindi ko alam kung maawa ba ako sa yo, o mamahalin ko ang tatay mo. O maiinis ako sa yo, kasama na rin sa tatay mo….

    …sana masabi ko rin sa tatay ko na mahal ko sya (dahil kahit minsan, hindi pa nya narinig sa akin un).

    Tingin ko nga lihim syang natutuwa pag magkasama kaming dalawang nakatingin sa mga bituin kahit hindi kami komportable sa isa’t isa. Ikaw ba naman ang magkaroon ng kaisa-isang anak na lalaki na may pusong…hmp, wag na lang. Baka magka-iyakan pa tayo…

    Nga pala, pakisabi sa tatay mo, happy birthday! Hamo, dadalasan ko ang dalaw sa blog mo.

    Reply

    samjuan reply on July 22nd, 2009 3:28 am:

    Hang swit swit niyo naman ng tatay mo. Asus. Hehe

    Oy , Nebz, wag ka namang mainis sa akin. hehehe.

    Salamat daw sa pagbati sabi ng tatay ko.

    Reply

  • parang pelikula pero totoo, medyo ganyan din si erpat kahit nasa kalye e sasapukin ako. bilib din ako sa erpat ko sa sobrang diskarte at sa dami ng natutunan ko sa kanya. ayos yan kabayan pag dumating ang panahon na erpat ka na din lahat ay mas lalo mong maa-appriciate lahat ng nagawa ng erpat mo.

    mabuhay ka kabayan

    Reply

    samjuan reply on July 22nd, 2009 3:29 am:

    Kabayang arvin, sabi nga nila, eh mas mdrama at maaksyon ang buhay natin kesa sa mga scripts sa tv at pelikula.
    apir para sa mga erpats natin,

    mabuhay ka!

    Reply

  • OMG !!! Buti lumaki ka as you are now … Hats off !!!

    Reply

    samjuan reply on July 22nd, 2009 3:30 am:

    Sa height di ako gaanong lumaki, pero sige hats off kabayan! hahaha!!!!

    Reply

  • Napahikbi ako dun sa binabasang sulat na wala naman. Although di naman nananakit yung papa ko, relate ako sa mga angst mo sa tatay mo. Pero lately lang narealise ko na yung papa ko, triny nya maging mabuting ama sa tanging paraang alam nya. Sa puso niya yun ang tama at gusto nya maging tama ang pagiging ama nya sa amin. Tama na sa akin yun.

    Reply

  • Mixed emotions ang napiga sa pagbabasa ko nito. Anyway, ifofollow ko tong blog mo. Nainspire ako :)

    Reply