May araw din kayo! (palakpak kay G. De Quiros)

Sa bandang huli, buti na rin lang at ginawa n’yo ’yung magpasasa sa P1 million dinner habang lupaypay ang bayan sa kagutuman—di lang sa kawalan ng pagkain kundi sa iba pang bagay—at pagdadalamhati sa yumaong Ina ng Bayan. Binigyan n’yo ng mukha ang katakawan. Katakawang walang kabusugan. Mukhang di nakita ng masa sa usaping NBN, mukhang di nakikita ng masa sa usaping SAL. Mukhang nakita lang ng masa dito sa ginawa n’yong ito. Sa pagpapabondat sa New York habang naghihinagpis ang bayan.

At buti na rin lang mayroon tayong sariling wika. Di sapat ang Inggles para iparamdam sa inyo ang suklam na nararamdaman namin sa inyo. Di sapat ang Inggles para ipakita sa inyo ang pagkamuhi na nararamdaman namin sa inyo. Di maarok ng Inggles ang lalim ng poot na nararamdaman namin sa inyo.

Isinusuka na kayo ng taumbayan, mahirap man sumuka ang gutom.

May araw din kayo.

-Conrado De Quiros, Philippine Daily Inquirer, 08/17/2009

2 Responses to “May araw din kayo! (palakpak kay G. De Quiros)”


Leave a Reply