Prep lessons

Mahapdi pa din yung kurot ni Ms Punzalan sa singit ko noong tanghaling yun. Dalawang araw na yata ang nakakalipas mula ng inatake ng mga mala-sipit na daliri niya yung makinis kong singit dahil nag-panic at nagtilian yung mga batang babae nung pumasok ako at umihi sa cr nila. Nasa Preparatory school ako nito. Di ko naman talaga alam na hiwalay ang cr ng lalake at babae dahil sa bahay namin noon eh iisa lang naman ang banyo. Yun ang isa sa mga mahahalagang aral na natutunan ko noong Prep. Sa pagkakatanda ko eh nagpasa yung kurot ni teacher pero di ko na iyon sinabi sa mga magulang ko.

Noong tanghaling iyon, habang nagfa-flashback sa utak ko yung mga kantang inaral namin for the day (yung it’s I, it’s I, It’s I who build community, yung mga baa baa black sheep at iba pang mga kantang pambata) at nangingibabaw yung kirot sa aking singit, tahimik kong hinihintay yung military jeep na susundo sa akin pauwi.

Dalawa na lang kaming naiwan sa classroom noon. Yung isa eh yung classmate ko na naghihntay din ata ng sundo. Pero di gaya ko na malikot at palakad-lakad, siya eh nakaupo lang na parang naninigas sa lugar niya. Di din niya ako kinakausap. Ako eh di din masyadong madaldal noon. Ayaw mong makipag-usap? Eh di wag. Kami nalang ata yung dalawang mga bata na late ang mga sundo. Unti-unti nang nagsisidatingan yung mga bata para sa afternoon class. May mangilan ngilan ng pumapasok sa classroom para ilagay ang gamit. Pero since andun pa kami nitong isa kong kaklase, eh lumalabas sila ulit kasi nga maaga pa naman.

May kalakihan yung classroom namin, maaliwalas, may malalaking binatana, naliligiran ng mga puting dingding kung saan nakadikit yung alpabeto tsaka mga larawan ng mga hayop at mga kung ano-ano pang anik anik na karaniwan mong makikita sa loob ng isang pre-school na classroom. Kapag  nakaharap ka sa blackboard, sa bandang kaliwa eh yung mga bintana, sa bandang kanan, sa may harap din, andun ang pinto. Yung wall naman sa bandang kanan merong mga shelves kung saan nilalagay ng mga bata yung mga bags nila. Yung baunan/bag kong square na kulay blue at green na may drawing ng alien na may baril at yung bag nung kasama ko nasa shelf pa. Antagal ng tatay ko dumating. Baka pag nagpang-abot pa sila nung pang-hapon na teacher eh masabihan na naman siyang driver ko. May pagkakataon kasi minsan noong unang linggo ng pasukan, sinundo ako ng tatay ko. Sukat tanungin ba naman siya ng teacher kung nasan daw ba ang tatay ko. Wapak! Sorry na daw kulay dark chocolate ang tatay ko at ako naman eh batang maputi na mukhang hapon.

Ilang saglit pa, dumating na yung nanay ng batang ayaw tumayo sa upuan. Inaaya na siya ng nanay niya umuwi pero di pa din siya tumatayo. Siyempre tinanong ako ng nanay kung bakit. May umaway daw ba sa anak niya, inaway ko daw ba, ano daw nangyari. Mga ganun ba. Malay ko. Ansarap sabihin na “Misis, may sa-suplado ho ang anak ninyong di na tumayo ng upuan mula kanina pa.”

Mukhang doktora yung nanay niyang nakapostura. Amoy mayaman. Nakatakong. Nilapitan na niya yung anak niya pero wala. Matikas ang batang ito. Na-thumbtacks ata yung pwet sa upuan eh. Mga kinse minutos na yung nakakalipas at aligaga na yung nanay ni classmate. Ayaw pa din niyang tumayo. Hulann niyo yung ginawa ng nanay. Tenen! Hinila ang anak. Pinilit na itinayo. At boom! Nabunyag ang sikretong matagal na palang kinikimkim ni classmate. Tangina may ginto sa upuan niya. Liquid gold! Shet. I mean, shit, I mean jebs. Basta puro ipot na kulay dilaw yung upuan niya. Susme. Kaya naman pala ayaw tumayo nitong si classmate. Tangina. Di pa din mabura sa isip ko kung papaano siya kinaladkad ng nanay niya palabas ng vicinity ng school habang tumutulo yung basang jebs mula sa pwet niya. Dinig na dinig ko yung iyak niya noon. Kinurot din kaya siya ng nanay niya sa singit?

Anyways, ilang minuto pa ang lumipas eh dumating na din ang tatay ko. Kinuha ko na yung bag/baunan ko sa shelf at dali-daling lumabas ng classroom.

Sa sasakyan ng tatay ko, habang kinukwento ko yung natae kong classmate, napansin kong parang biglang bumigat yung baunan ko. Aba, wag mo sabihing may magic na naganap. Siyempre di ko na pinatagal ang suspense at ayun nga, himala! May laman ang baunan ko, Isnag bagong-bagong banana bread at chocolate cupcake at isang bagong chocolait! Paano kaya yun nangyari eh naubos ko na yung egg sandwich na baon ko tsaka zesto orange noong recess nung umaga? Hmm. Kung hindi iyon magic, eh malamang bigay yun ni Itay. Kaya out of the blue nasabi  ko sa tatay ko, “Salamat po!”

Kinabukasan, tahimik ang klase.  Nagulat na lang ako na may hawak na bag si MRs Punzalan na katulad na katulad ng baunan/bag kong square na kulay blue at green na may drawing ng alien na may baril. Hala. Bakit parehas kami ng bag? May kung anong kurot akong naramdaman sa aking murang puso.

Nag-speech si Mam. Meron daw bata sa panghapon na klase ang iyak ng iyak kahapon kasi pagbukas daw niya ng baunan niya eh wala na iyong laman. Wala daw nagawa yung bata at nagulat sa pangyayari. Shitnamalagkit! Parang umikot naman ang sikmura ko at nahiya bigla sa kinain ko kahapon. Ang inaakala kong good magic eh naging kamalasan para sa iba. Malupit ang tadhana sa mga batang may parehong bag.

Pagkatapos ng klase, kinausap ko si Mrs Punzalan at inamin na ako ang nakakuha ng isa pang bag na katulad na katulad ng baunan/bag kong square na kulay blue at green na may drawing ng alien na may baril. Akala ko magkakaroon na naman ako ng bagong kurot sa singit. Awa ng Diyos, eh pinaliguan na lang niya ako ng showers ng laway niya na puno ng mga pangaral sa buhay.

Mula noon, naging mas mabuti na akong bata. Alam ko na na hiwalay ang cr ng boys at girls at alam ko alam ko din na dapat jumebs bago umalis ng bahay para di magkalat ng liquid gold. Mula noon, alam ko na din na dapat tignan ko muna ang laman ng bag ko bago ko ito dalhin pauwi. Gumradweyt ako na valedictorian. Unang medalya ko sa tanang buhay ko bilang estudyante.

1 Responses to “Prep lessons”


Leave a Reply